Home NATIONWIDE 10 bagong National Artists, pinangalanan ni PBBM

10 bagong National Artists, pinangalanan ni PBBM

1
0

MANILA, Philippines — Itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang 10 Pilipino bilang mga bagong Pambansang Alagad ng Sining o National Artists dahil sa kanilang mahalagang ambag sa sining at panitikang Filipino.

Kinumpirma ni Presidential Communications Office Secretary Dave Gomez ang pagkilala sa ilalim ng Proclamation No. 1414 na nilagdaan ng Pangulo noong Setyembre 1.

Kinilala para sa Literature sina Nicanor Tiongson at Gregorio Brillantes; para sa Visual Arts sina Imelda Cajipe Endaya at Nunelucio Alvarado; at para sa Architecture si Gabriel Formoso.

Itinalaga rin si Rafael “Nonoy” Froilan para sa Dance; Maria Beatriz “Patis” Tesoro para sa Design; Armando “Bing” Lao para sa Film and Broadcast Arts; Teodoro Hilado para sa Theater; at Alfredo S. Buenaventura para sa Music.

Iginawad nang posthumous ang parangal kina Formoso, Brillantes, Lao at Hilado.

Ang Order of National Artists ang pinakamataas na pambansang pagkilala sa mga Pilipinong may natatangi at makabuluhang ambag sa pagpapaunlad ng sining at panitikan sa bansa.

Iginagawad ito ng Pangulo batay sa rekomendasyon ng Cultural Center of the Philippines at National Commission for Culture and the Arts.

Makakatanggap ang mga Pambansang Alagad ng Sining ng titulo, citation, medalyang gawa ng Bangko Sentral ng Pilipinas at Grand Collar. Para sa mga buhay na awardee, kabilang din sa benepisyo ang hindi bababa sa P200,000 cash award, P50,000 buwanang lifetime stipend, medical at hospitalization assistance, at life insurance alinsunod sa umiiral na mga patakaran. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here