PATULOY ang isinasagawang pagtugis ng militar sa hindi pa nakikilalang armadong grupo na responsible sa pagsunog ng hindi bababa sa 10 tahanan sa mga liblib na nayon ng Shariff Aguak, Maguindanao del Sur, sinabi ng tagapagsalita ng Army nitong Martes.
Sinabi ni Lt. Col. Roden Orbon, tagapagsalita ng Army’s 6th Infantry Division, na nagtalaga ang 33rd Infantry Battalion ng quick reaction team para tugisin ang armadong grupo, na nangha-harass sa barangay Malingao at Balong sa pagdiriwang ng buwan ng pag-aayuno ng mga taganayon.
Nabatid kay Shariff Aguak Municipal Councilor Datu Oping Ampatuan na sinunog ng mga armadong lalaki ang mga bahay noong Linggo matapos tumakas ang mga may-ari sa mas ligtas na lugar nang mamataan ang mga armadong lalaki.
Kaugnay nito, kinondena ni Brig. Gen. Edgar Catu, kumander ng 601st Infantry Brigade ng Army, ang mga kalupitan, na nagdulot ng paghihirap at pagkagambala sa mga nayon noong panahon ng pag-aayuno.
Bunsod nito nagtalaga si Catu ng isang malaking puwersa, na suportado ng mga armored personnel carrier, sa lugar upang mapanatili ang kapayapaan at maiwasan ang karagdagang panliligalig sa mga sibilyan, partikular na ang mga magsasaka at mangingisda.
Samantala ang militar, sa pakikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan ng Shariff Aguak, ay nagbigay ng humanitarian aid sa humigit-kumulang 250 pamilya na dalawang beses na nawalan ng tirahan mula noong nakaraang Huwebes.
Kaugnay nito ang Shariff Aguak police at 33IB ay hindi pa nakikilala ang armadong grupo, na inilarawan lamang ito bilang isang pribadong armadong grupo na kumikilos sa lalawigan. (Santi Celario)