SAN FERNANDO, La Union — Nasagip ang sampung kababaihan na nagbebenta ng aliw sa panandaliang kaligayahan sa mga parokyano matapos ang isinagawang pagsalakay ng mga awtoridad sa isang bahay aliwan sa Brgy. San Vicente San Fernando City, La Union.
Ayon kay Atty. Joel Tovera, NBI-Region 1 director, dalawa sa mga babaeng na-rescue ay umaming iniaalok sila ng kanilang handler o “bugaw” na kinilalang si Danica Aliocod alias “Tolits” sa mga kustomer sa halagang P3,000 para sa sex service.
Kasama ng mga social workers mula sa DSWD-Region 1 at non-government organization Project Rescue Children Philippines Inc. nang isagawa ng mga NBI-Region 1 agents ang pagsagip na pinamunuan ni Atty. Rhoderick John R. Panay, agent-on-case, ang meet-up kay “Tolits” sa kanyang “ward” sa isang lodging house sa naturang lugar.
Si “Tolits”, na dumating ng mas maaga ng 30 minuto sa lodge para sa meet up ay tinanggap ang bayad mula sa “poseur-customer” na isang NBI agent at dito na ipinakita ang 10 kababaihan. Dito na sumenyas ang NBI agent at nilusob ng mga operatiba kasama ang mga social workers ng DSWD-Region 1 at NGO Project Rescue Phils., Inc. saka inaresto ang una.
Ang mga batang kababaihan na nasagip na tinatayang nasa 18 taong gulang lamang ay sumasailalim na sa pagsusuri at nasa pangangalaga ng DSWD ng nasabing siyudad. Rey Velasco