MANILA, Philippines – Isinilbi na ng mga awtoridad sa contractor na si Pacifico “Curlee” Discaya II ang arrest warrant para sa malversation through falsification of public documents charges kaugnay sa umano’y kickback scheme sa flood control projects nitong Lunes, Hunyo 8.
Si Discaya na nasa detention ng Senado ay inilipat na sa kustodiya ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG).
Isinagawa ng mga awtoridad ang booking procedure sa Senado kabilang ang pagkuha ng mugshot at fingerprints.
Siya ay kasalukuyang nasa police mobile patungo sa Malolos, Bulacan para sa pagbabalik ng warrant.
Inisyu ng Malolos Bulacan Regional Trial Court (RTC) ang warrant of arrest noong Biyernes laban kay Discaya, asawa nitong si Cezarah “Sarah” at siyam iba pa kaugnay sa malversation through falsification of public documents na may kaugnayan sa kanilang ambag sa kickback scheme mula sa flood control projects.
Naghain ng graft at malversation cases ang Office of the Ombudsman laban kay Discaya at 10 iba pa dahil sa maanomalyang flood control project sa Calumpit, Bulacan.
Ayon sa defense attorney ni Discaya, malungkot umano si Curlee na siya ay makukulong sa kabila ng pakikipagtulungan sa imbestigasyon. RNT/JGC