MANILA, Philippines – Itinanggi ni Senador Francis “Chiz” Escudero ang mga alegasyon na nakakuha ito ng political favors para dumalo sa Senate session noong Hunyo 3 at paglipat sa bloc na pinamumunuan ni Senador Sherwin Gatchalian.
“Asan?” sagot ni Escudero sa podcast na inilabas nitong Linggo, Hunyo 7.
Ayon sa mambabatas, mayroon siyang kinakaharap na dalawang pending na reklamo at sinabing kung nakatanggap siya ng pabor ay marahil hindi niya na kakaharapin ang naturang mga reklamo.
“Pero hinaharap namin ‘yun at walang kinalaman ‘yun dito. E ‘di sana tigil na? E ganun pa rin e, wala namang pagbabago,” dagdag ni Escudero.
Pinabulaanan din ng senador ang sinasabi pang inimpluwensiyahan ng Malakanyang ang kanyang desisyon na lumipat ng panig.
“Wala, para sa akin ang posisyon ng Palasyo ay walang kinalaman sa posisyon ng Senado, bilang senador,” sinabi ni Escudero.
Iginiit niya na ang desisyong dumalo sa sesyon ng Senado noong Hunyo 3 ay dahil sa kanyang constitutional duty, at sinabing ipinagbabawal ng Konstitusyon ang pag-adjourn ng higit sa tatlong araw nang walang pahintulot ng Kamara.
“Nagpasya ako na itigil na ‘yung kawalan ng sesyon sa Senado… Kahapon kung ‘di pa kami nag sesyon, lalabagin na namin ‘yung probisyong ‘yon ng Saligang Batas,” ani Escudero. RNT/JGC