MANILA, Philippines – Ipinatutupad sa Pilipinas ang 10-araw na alerto sa gobyerno para sa epekto ng Bagyong Nika (international name Toraji) at dalawa pang tropical cyclone na inaasahang tatama sa bansa ngayong linggo, ani Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla.
“Makikita mo ang scenario: sa pagitan ng Nob. 11 at 17, magkakaroon tayo ng tatlong bagyo na papasok sa Pilipinas, lahat sa iisang landas,” ani Remulla. “So, sa pagitan nina Marce at Pepito, ibig sabihin, apat na bagyo sa loob ng 10 araw, na sinusundan ng parehong trajectory.”
Kapag ang dalawang tropical cyclone ay pumasok sa Philippine Area of Responsibility, ang mga ito ay tatawaging Ofel at Pepito.
Tiniyak ni Remulla, na siya ring National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) vice chair, sa publiko na lahat ng sistema ay nakaayos na.
Sinabi ni Remulla na 2,500 barangay sa direktang daanan ni Nika — Ilocos Region, Cagayan Valley at Cordillera Administrative Region — ang pinayuhan na mag-preemptive na lumikas, kahit na naka-standby ang mga government units.
“Pinayuhan namin ang lahat ng mga gobernador na nakasasakop sa 2,500 barangay na lumikas, lalo na ang mga prone sa pagbaha at pagguho ng lupa,” sabi ni Remulla sa isang media briefing noong Linggo. RNT