MANILA, Philippines- Posibleng palawakin sa 10 kilometro ang six-kilometer radius permanent danger zone (PDZ) sa paligid ng maligalig na Bulkang Kanlaon sa Negros Island.
Itinaas ng Office of Civil Defense (OCD) 6 ang posibilidad na mass evacuation habang mahigpit na mino-monitor ang weather forecasts.
Sinabi ng OCD 6 na malaki ang posibilidad na magkaroon ng pagragasa ng lahar bunsod ng matindi at malakas na pag-ulan na makaaapekto sa mas malaking lugar sa bisinidad ng Bulkang Kanlaon.
Sakaling magkaroon nga ng pagragasa ng lahar, inirekomenda ng OCD 6 ang ekstensyon sa 10 kilometro ng tinatawag na PDZ.
Nagpapatuloy naman ang konsultasyon ng OCD 6 sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) at sa state weather bureau, Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ukol sa rekomendasyon.
Gayunman, ang local government unit (LGU) ng La Castellana sa Negros Occidental ay nagpahayag ng pag-aalala sa posibleng pagpapalawak sa PDZ.
Sa kabilang dako, inamin ng LGU ang pagkaubos ng resources na maaaring makapagdulot ng malaking hamon sa pangangalaga sa mga karagdagang bakwit.
“For that, sa ngayon exhausted na talaga ang LGU. Si Mayor [Rhummyla Nicor-Mangilimutan] (nag-aalala) if ever na lilipat pa kami, mahihirapan kami,” ang sinabi ni John de Asis, pinuno ng La Castellana Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office.
Ayon sa LGU, ang karagdang siyam na barangay ay maaapektuhan sa panukalang pagpapalawak sa PDZ.
Isa sa mga solusyon na kinokonsidera ay ang paglipat sa mga bakwit sa Himamaylan City kung saan mayroong tent cities.
Samantala, dahil sa ulan, ang mga barangay kasama ng lahar-hazard zone ay mahigpit na mino-monitor. Tinatayang 14 barangay sa mga ito ay ang Bago City, tatlo sa Binalbagan, anim sa Hinigaran, 11 sa Isabela, 15 sa La Carlota City, 11 sa La Castellana, 15 sa Moises Padilla, siyam sa Murcia, anim sa Pontevedra, 4 sa Don Salvador Benedicto, apat sa San Carlos City, tatlo sa San Enrique, at tatlo sa Valladolid.
Habang patuloy ang ulan, mino-monitor din ng PHIVOLCS ang mga barangay sa lahar-hazard zone.
Gayunman, nilinaw naman ng ahensya na ang monitoring ay nakabigkis sa disaster preparedness kaya’t walang dahilan para mag-panic ang publiko.
“Ang list ng mga barangay, para (lang) sa worst-case scenarios natin. It does not mean na dahil nagpalabas tayo ng bagong map, yun na exactly ang mangyayari,” ang binigyang diin ni Engr. Mari Andylene Quintia, isang Kanlaon Volcano Observatory resident volcanologist.Kris Jose