MANILA, Philippines- Dose-dosenang biyahe patungong Bicol ang naantala sa mga nakalipas na araw dahil sa mabigat na daloy ng trapiko dulot ng nasirang Andaya Highway sa Camarines Sur, ayon sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) management niotng Biyernes.
Sinabi ni PITX spokesperson Jason Salvador na 62 sa 113 bus trips ang naantala noong Huwebes. Nasa 10 pang biyahe ang naantala noong Biyernes.
“Para sa mga biyahe nating tatawid ng Matnog papuntang Leyte, Visayas region, Mindanao, yung iba dyan dumadaan din sa area ng ka-Bicolan kaya nagkakaroon ng konting challenge dyan,” dagdag niya.
Subalit, tiniyak ni Salvador sa mga biyahero na sakaling kailanganin, handa ang PITX at stakeholders nito na magtalaga ng karagdagang bus units na maaaring isyuhan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ng special permits.
Nauubos na rin ang mga ticket para sa airconditioned buses patungo o dumaraan sa Bicol region.
Sumabay ang problema sa trapiko sa Camarines Sur sa holiday exodus sa PITX. RNT/SA