MANILA, Philippines- Naghahanap ang bagong bukas na Walang Gutom Kitchen food bank ng food donations mula sa restaurants at fast food chains, at maging ng volunteers.
Sa katunayan, sa video message na naka-post sa kanilang social media pages, nananawagan si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian sa mga interesadong donors at volunteers na samahan sila sa kanilang inisyatiba.
“Hinihikayat namin ang mga organisasyon at indibidwal na gustong tumulong laban sa kagutuman na magtungo lamang sa Walang Gutom Kitchen sa Nasdake Building sa Pasay City para maging volunteer server natin for the day,” ayon sa Kalihim.
Nagbukas nito lamang Disyembre 16, tinitingnan ng food bank na pagkaisahin ang public at private sector sa pagbabawas ng basura ng pagkain habang tinutulungan na pakainin ang mga mahihirap.
Binanggit din ni Gatchalian na sa mga susunod na buwan, plano nila na palawakin ang proyekto sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Sinabi nito na bahagi ito ng pananaw ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tuldukan ang kagutuman.
Samantala, tinatayang 22.9% ng pamilyang Filipino ang nakaranas na ng involuntary hunger, o wala talagang makain kahit pa isang beses sa nakalipas na tatlong buwan, ayon sa survey na ginawa ng Social Weather Stations noong September 24.
“This is 5.3 points above the 17.6% survey results in June 2024 and the highest since the record high 30.7% during the pandemic in September 2020,” ayon sa ulat.
Maliban sa Walang Gutom Kitchen, ang iba pang non-government organizations ay tumutulong din para labanan ang pagkagutom gaya ng Scholars of Sustenance (SOS) Philippines na nagsimula pa noong October 2022.
Pinakain naman ng grupo ang daan-daang marginalized communities sa pamamagitan ng milyong food packs. Kris Jose