Home NATIONWIDE 10 lang sa 4K pampublikong paaralan sa Eastern Visayas may counselor

10 lang sa 4K pampublikong paaralan sa Eastern Visayas may counselor

MANILA, Philippines – Nasa 10 lang sa 4,254 na mga pampublikong paaralan sa Eastern Visayas ang may lisensyadong guidance counselors.

Ang bilang na ito ay ikinaalarma ng Department of Education in Region 8 (DepEd-8).

Inihayag ni Hannah Rose Cuaderno, project development officer ng Education Support Services Division ng DepEd-Eastern Visayas, ang pangamba sa lubhang napakababang bilang ng guidance counselors lalo na sa mga insidente ng bullying sa mga paaralan.

“This lack of trained professionals could be attributed to the rigorous requirements for licensure and relatively low salary, which may discourage qualified individuals from taking the position,” sinabi ni Cuaderno sa isang panayam.

Aniya, may mga kaso sa public school system sa rehiyon kung saan ang mga guro na may teaching items ay nagsisilbi na ring guidance counselors.

Sinabi rin nito na tanging 40 lamang na mga paaralan sa rehiyon ang may formal antibullying policies sa kabila ng lumalaking bilang ng kaso ng bullying na nagreresulta naman sa self-harm at suicide ng mga biktima.

Sa datos ng DepEd sa school year 2022-2023, mayroong 781 reported bullying cases sa Eastern Visayas.

Batid naman ni Cuaderno na ang bilang ay hindi sumasalamin sa aktwal na sitwasyon dahil ang ilang mga paaralan ay nag-uulat ng zero cases ng bullying o inilalarawan ang mga insidente bilang hindi pagkakaunawaan ng magkakaklase.

“Some teachers just instruct the students involved to shake hands and consider the issue resolved, which is why no official report or incident plan is submitted.”

Sa kabila ng mga insidente, nananatili ang DepEd sa polisiya na hindi magpatupad ng malupit na hakbang katulad ng suspensyon o pagpapatalsik sa estudyanteng sangkot dito basta’t hindi ito magdudulot ng health o safety risk.

“In general, DepEd does not expel or suspend students unless the case escalates into a serious health concern,” aniya, at ang mga responsable sa bullying ay karaniwang inire-refer sa counseling o sa pamamagitan ng licensed counselor o designated teacher.

Sa tumataas na kaso, nanawagan ang DepEd sa mga licensed guidance counselors na ikonsidera ang pag-apply sa posisyon sa mga pampublikong paaralan sa rehiyon para matugunan ang mental health at behavioral issues sa mga estudyante. RNT/JGC