Home NATIONWIDE 109 overseas Filipinos humihiling ng repatriation sa Israel-Iran tension

109 overseas Filipinos humihiling ng repatriation sa Israel-Iran tension

MANILA, Philippines – Nasa 109 overseas Filipinos ang humihiling na makauwi na sa Pilipinas kasabay ng palitan ng air strike ng Israel at Iran, ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Cacdac.

Sa panayam, kinumpirma ni Cacdac na ang team ng pamahalaan ay naka-alalay na sa mga apektadong Pinoy kabilang ang mga nasaktan sa pag-atake ng Iran sa Israel noong weekend.

“Well sa ngayon, nasa critical condition pa rin siya. Dinalaw siya ng team natin,” ani Cacdac.

“Under the auspices of the embassy, at sa OWWA, ‘yung team ni Admin PY Caunan. At ang news na natanggap namin sa dalaw ay conscious siya which is a good sign. ‘Yung kulay niya noong isang araw medyo maputla, pero nag-improve,” dagdag pa niya.

Ani Cacdac, kasama ng kritikal na babae ang kanyang kapatid na nasa ospital para magbigay ng suporta.

Nakipag-ugnayan na ang DMW sa pamilya nito sa Pilipinas at siniguro ang patuloy na pagtulong ng pamahalaan.

Bukod sa mga naospital, nagpaabot din ng tulong ang DMW sa 14 Filipino na apektado ng tensyon na tumutuloy sa temporary accommodations.

“Meron pa rin tayong tinutulungan sa mga hard-hit areas kung saan meron tayong linalagay ngayon sa temporary accommodation,” sinabi ni Cacdac.

Sa ngayon ay wala pang iniuulat na bagong nasaktang Filipino sa mga bagong pag-atake sa rehiyon.

“Sa awa ng Diyos, nagkaroon na naman ng attack kahapon. Pero sa awa ng Diyos, walang tayong napabalitaang nasaktan. ‘Yung apat, ‘yun pa rin ang bilang na alam natin.”

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang pamahalaan sa koordinasyon sa repatriation ngunit pahirapan dahil nananatiling sarado ang airspace at mayroong airport restrictions sa conflict zones. RNT/JGC