Bulacan – Arestado ang 10 indibiduwal sa umanoy magkakahiwalay na pandurukot sa mga dumalo sa concert ng Black Pink sa Ciudad de Victoria, Brgy. Igulot, Bocaue nitong Nobyembre 22-23, 2025.
Sa ulat ni PLTCOL Virgilio Ramirez, Acting chief of police ng Bocaue police station, naaresto si alyas “Riza” at siyam pang kasamahang “salisi”.
Batay sa imbestigasyon, habang palabas ang mga biktimang dumalo sa concert, palihim na kinuha ng mga suspek ang cellphone at wallet sa bulsa ng mga ito.
Nabatid na ang modus ay agad ipinapasa ng pangunahing suspek ang mga ninakaw na gamit sa kanyang mga kasabwat upang mabilis na makatakas.
Dahil dito, humingi ng tulong ang mga biktima sa mga nakakalat na event marshals na agad rumesponde kaya nadakip ang mga suspek.
Narekober ang ilang ninakaw na cellphone mula sa pag-iingat ng mga suspek na nahaharap sa kaukulang kaso habang nakakulong.
Patuloy na nagpaalala ang mga awtoridad sa publiko na maging mapagmatyag lalo na malalaking pagtitipon upang maiwasan ang ganitong uri ng krimen. Dick Mirasol III