MANILA, Philippines – Naaresto ng pulisya ang lahat ng nasa Top 10 most wanted list ng Taguig City noong nakaraang buwan sa sunud-sunod na operasyon sa nakaraang linggo, ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO).
Ayon kay Col. Julius C. Añonuevo, hepe ng Taguig City Police Station, ito na ang ikalawang buwan na sunud-sunod na naitala ng kanilang istasyon ang lahat ng sampung fugitives.
“Ang resulta na ito ay patunay ng tuloy-tuloy na pagsusumikap ng ating mga tauhan upang hanapin ang mga fugitives at tiyakin na maipatutupad ang mga valid na warrants mula sa korte. Sa ikalawang buwan na sunud-sunod, matagumpay naming naaresto lahat ng nasa Top 10 Most Wanted,” sabi ni Añonuevo.
Ang mga naarestong indibidwal ay may kasong rape, robbery, attempted homicide, statutory acts of lasciviousness, at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Sinabi ni Añonuevo na ang operasyon ay isinagawa kasama ang mga katuwang na yunit mula sa NCRPO, Southern Police District, at iba pang law-enforcement units.
Pinuri naman ni Taguig Mayor Lani Cayetano ang pulisya sa kanilang patuloy na tagumpay sa kampanya para sa kapayapaan at kaayusan sa lungsod:
“Ang kapayapaan at kaayusan ay sumusuporta sa aming layunin na bumuo ng isang Transformative, Lively, and Caring City. Kapag ligtas ang komunidad, mas maayos na naihahatid ang serbisyo, mas maraming oportunidad, at mas secure ang mga pamilya,” sabi ni Cayetano.
Dagdag pa niya, patuloy na susuportahan ng city government ang pulisya sa pagpapatibay ng mga programa sa pampublikong seguridad upang matiyak na ang mga Taguigeño ay mamumuhay sa ligtas at maayos na komunidad. RNT/MND