Home NATIONWIDE 10 nominado kada partylist pinasusumite ng Comelec

10 nominado kada partylist pinasusumite ng Comelec

MANILA, Philippines – Kinokonsidera ng Commission on Elections (Comelec) na imandato sa mga party-list group na sasali sa midterm polls sa susunod na taon na magsumite ng maximum na 10 nominado.

Ito ay 100 porsiyentong pagtaas mula sa kasalukuyang limang nominado na pinapayagan, sinabi ni Comelec chairperson George Erwin Garcia sa isang panayam.

“Gayunpaman, kapag isinumite nila ang 10 pangalan, hindi na kami papayag na magpalit. Tatanggihan na namin ang substitute nominees,” giit pa ni Garcia.

Aniya, makakasunod ang mga organisasyon dahil maraming miyembro ang mga grupong ito.

Naniniwala siya na ang pagpapatupad ng naturang patakaran ay kinakailangan dahil ito ay magiging patas sa lahat.

Sa mga nakaraang halalan, hinabol ng mga kontrobersiya ang pagpapalit ng mga nominado ng mga party-list group.

Una rito, inaprubahan ng Comelec en banc ang panukalang limitahan ang panahon ng paghaharap ng substitution ng mga kandidato dahil sa withdrawal.

Sa ilalim ng bagong guidelines, hindi na tatanggap ang Comelec ng withdrawal of certificate of candidacy (COC) pagkatapos ng Oktubre 8, ang deadline ng pagsusumite ng COC para sa mga tatakbo sa May 2025 elections.

Magsisimula ang COC filing period sa Oktubre 1. RNT