MANILA, Philippines – Inararo ng isang SUV ang nasa 10 sasakyan sa United Nations Avenue sa Maynila, nitong Lunes ng umaga, Disyembre 9.
Sa imbestigasyon, isang tricycle driver at ilang motor rider ang nadamay sa insidente na kapwa isinailalim sa paunang lunas matapos magtamo ng mga sugat.
Sa impormasyon, naunang tumama ang puting SUV sa concrete barrier nang bigla na lamang umano itong umangat at nagdire-diretso sa kanto ng UN at Taft Avenue.
Limang motorsiklo, isang tricycle at dalawang sasakyan ang nadamay sa insidente.
Mayroon ding dalawang sasakyan ang nadamay pa bago ang pag-araro ng SUV.
Itinanggi naman ng may-ari ng SUV na nakainom ang kanyang driver.
Ayon sa may-ari, kasasakay lamang niya sa SUV nang bigla na lamang itong “nag-wild” at humarurot.
Iniimbestigahan na ng pulisya ang driver ng SUV.
Samantala, umapela ang mga nadamay na motorista na sagutin o bayaran ang napinsala nilang sasakyan.
Nagpahayag naman ng kahandaan ang may-ari ng SUV na sagutin ang danyos. Jocelyn Tabangcura-Domenden