Home METRO 10 suspek arestado sa P1.1M shabu sa Rizal at Quezon

10 suspek arestado sa P1.1M shabu sa Rizal at Quezon

MANILA, Philippines – Nakumpiska ng mga awtoridad ang mahigit P1.1 milyong halaga ng shabu mula sa 10 hinihinalang tulak ng illegal na droga sa magkakahiwalay na operasyon sa Rizal at Quezon province nitong Martes, Mayo 20.

Ayon sa Police Regional Office 4A (Calabarzon), naaresto ng mga operatiba sa Rodriguez, Rizal ang apat na suspek na kinilalang sina “Enan,” “Negro,” “Rose” at “Junior” sa operasyong ikinasa bandang 4:20 ng umaga sa Barangay San Rafael matapos pagbentahan ng P1,000 halaga ng shabu ang isang undercover police.

Nakumpiska sa mga suspek ang 116 gramo ng hinihinalang shabu.

Ang mga ito ay nakapakete sa limang sachet at knot-tied plastic bag na nagkakahalaga ng P788,800.

Si “Enan” ay tinukoy bilang high-value individual (HVI) na sangkot sa local drug trade, habang ang iba ay street-level pushers.

Samantala, sa Cainta, Rizal ay inaresto ng pulisya sina “Christian,” “John,” at “Jean” sa operasyon 5:25 ng hapon sa Barangay San Andres.

Ang tatlo na tinukoy bilang street-level pushers, ay nakuhanan ng pitong sachet na naglalaman ng 15 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P102,000.

Kinagabihan ay naaresto rin ng mga pulis sa Antipolo City ang suspek na kinilalang si “Mike” na isa ring street-level pusher, sa Barangay Bagong Nayon bandang 11:40 ng gabi.

Napagbentahan niya umano ng P500 halaga ng shabu ang isang undercover officer at narekober naman dito ang walong sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P47,600 at mobile phone.

Dagdag pa, sa Lucena City, Quezon ay naaresto ang dalawa pang suspek na sina “Jennifer” at “Ronnie,” sa Barangay Dalahican bandang 5:50 ng hapon. Klasipikado ang mga ito bilang HVIs.

Nakumpiska sa dalawang suspek ang siyam na sachet na naglalaman ng 27 gramo ng hinihinalang shabu na may estimated street value na P183,600.

Nasa kustodiya ng pulisya ang lahat ng suspek at nahaharap sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. RNT/JGC