Home NATIONWIDE 10 tiklo sa hazing sa Cavite

10 tiklo sa hazing sa Cavite

MANILA, Philippines – Inaresto ng mga awtoridad ang 10 indibidwal, kabilang ang apat na menor de edad matapos magsagawa ng hazing rites sa dalawang biktima sa Noveleta, Cavite.

Iniulat ng Region 4A police na dinala ng mga tanod mula sa Barangay San Rafael 3 ang mga suspek at biktima sa istasyon ng pulis bandang 12:30 ng madaling araw nitong Lunes, Mayo 12.

Isinagawa umano ang initiation rites sa loob ng isang subdivision sa naturang barangay.

Sa report, naaktuhan ang mga suspek na nagsasagawa ng ritwal na kilala bilang “30-second massacre,” hapon ng Linggo kung saan binubugbog ang mga recruit.

Ang biktima na kinilalang si “Matthew,” ay 18-anyos lamang habang ang isa pang biktima ay isang lalaki na 15-anyos.

Nagtamo ito ng pinsala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Tinukoy naman ang ilan sa mga suspek na sina John, 33, tricycle driver; Jasper, 19, helper; Mark, 24, tricycle driver; Christian, 18, at Jason, 18, kapwa walang trabaho; at Ramil, 20, isang delivery rider.

Ang apat naman na menor de edad ay 15 hanggang 17 anyos na mga residente rin ng lugar.

Nakatakas naman ang isa pa sa mga suspek na kinilalang si Alexis.

Nahaharap ang mga ito sa reklamong paglabag sa Republic Act No. 8049, as amended by RA 11503, o Anti-Hazing Act of 2018.

Hindi na ibinahagi sa report ang pangalan ng fraternity o organisasyon na sangkot sa insidente. RNT/JGC