NIGERIA – Iniulat ng gobyerno ng Nigeria ang pagkakalaya ng 100 estudyante na dinukot noong nakaraang buwan sa Niger state, isa sa pinakamalalaking mass kidnapping sa bansa sa mga nakaraang taon, ayon sa lokal na broadcaster na Channels Television.
Ayon sa Christian Association of Nigeria (CAN), noong Nobyembre 21, dinukot ng mga armadong lalaki ang 303 estudyante at 12 staff mula sa St. Mary’s Catholic boarding school sa Papiri, isang maliit na barangay sa Niger state. Limampung estudyante ang nakatakas agad, ngunit hindi pa alam ang kinaroroonan ng natitirang mga bata at staff.
Hindi pa malinaw ang detalye kung paano nakalaya ang 100 estudyante. Sinabi ng CAN at ng mga awtoridad sa Niger state na hindi pa sila opisyal na naabisuhan tungkol sa paglaya ng mga bata.
“Hindi pa kami opisyal na nakakaalam at hindi pa kami abiso ng pederal na gobyerno. Sana totoo ito at umaasa kami na mailalabas na rin ang natitira,” sabi ni Daniel Atori, tagapagsalita ng CAN sa Niger state.
Itinampok ng insidente ang patuloy na kawalan ng seguridad sa Nigeria, higit sa sampung taon matapos ang Chibok mass abductions, at kasabay ng pagtingin ng US sa pagtrato sa mga Kristiyano sa bansa.
Noong Linggo rin, nakipagpulong ang US congressional delegation kay Nuhu Ribadu, national security adviser ng Nigeria, sa Abuja upang talakayin ang kooperasyon sa kontra-terorismo, katatagan sa rehiyon, at pagpapalakas ng seguridad sa pagitan ng Nigeria at US. RNT/MND