Home NATIONWIDE 100% taas-singil sa rehistro ng sasakyan, ‘di totoo – LTO

100% taas-singil sa rehistro ng sasakyan, ‘di totoo – LTO

145
0

MANILA, Philippines – Pinabulaanan ng Land Transportation Office (LTO) ang kumakalat na balita na tumaas umano ng 100% ang bayarin sa rehistro ng sasakyan, at tinawag itong maling impormasyon.

Sa isang advisory, nilinaw ng ahensya na walang ipinatutupad na ganitong pagtaas at iginiit na pawang fake news lamang ang kumakalat online.

“ABISO SA PUBLIKO! WALANG KATOTOHANAN ANG KUMAKALAT NA MALING IMPORMASYON NA NAGTAAS ANG LTO NG 100% SA REHISTRO NG SASAKYAN,” ayon sa LTO.

“Ito po ay MALING IMPORMASYON (FAKE NEWS) na kumakalat ngayon na ang Land Transportation Office (LTO) ay nagtaas ng singil sa pagpaparehistro ng mga sasakyan ng halos 100% nang walang paunang abiso, at sinabay pa umano ito sa pagtaas ng presyo ng gasolina,” dagdag nito.

Binigyang-diin ng LTO na ang lahat ng bayarin ay nakabatay sa umiiral na batas at regulasyon, at anumang pagbabago ay ipaaalam muna sa publiko. Iginiit din nito ang layunin na panatilihing abot-kaya ang kanilang serbisyo sa gitna ng kasalukuyang krisis sa ekonomiya.

“Hindi po totoo ang ganitong pahayag. Patuloy po ang LTO na nagsisikap na gawing mas abot-kaya ang mga serbisyo nito lalo na sa kasalukuyang krisis pang-ekonomiya na kinakaharap ng ating bansa,” pahayag ng ahensya.

Hinimok din ng LTO ang publiko na mag-verify ng impormasyon sa kanilang opisyal na mga channel at iwasan ang pagpapakalat ng hindi kumpirmadong balita.

“Layunin po ng LTO na maghatid ng mahusay at abot-kayang serbisyo sa lahat ng mamamayan. Hinihikayat po namin ang lahat na huwag magkalat o maniwala agad sa mga hindi napapatunayang balita,” dagdag nito. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here