Muling namataan ang Philippine deer (Rusa marianna) sa Marinduque matapos itong ituring na lokal nang extinct sa loob ng ilang dekada, ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Matagal nang hindi nakikita ang nasabing species sa isla hanggang sa muling maitala ang presensya nito, kung saan kinumpirma ng Marinduque Wildlife Sanctuary Protected Area Management Office ang hindi bababa sa 10 indibidwal na usa sa Barangay Makulapnit.
Mayroon ding natuklasang mga bakas ng paa sa Boac at mga karatig lugar.
Ayon sa DENR, bunga ito ng magkatuwang na conservation efforts na pinangunahan ng kanilang MIMAROPA regional office, partikular ng Provincial Environment and Natural Resources Office ng Marinduque.
“The reappearance of the Philippine deer in Marinduque stands as both a conservation milestone and a call to action—demonstrating that while recovery is possible, sustained partnership is essential to ensure its long-term survival,” pahayag ng ahensya.
Sa kabila nito, nagbabala ang DENR na nananatiling nanganganib ang species dahil sa illegal hunting, poaching, at pag-atake ng mga mababangis na aso.
Samantala, pinag-aaralan ng University of the Philippines Los Baños (UPLB) ang pagsasagawa ng pag-aaral upang matukoy ang populasyon nito at makabuo ng pangmatagalang plano para sa konserbasyon. Santi Celario