Home METRO 1,000 nahuli, nasita sa ‘Safer Metro Manila’ ops

1,000 nahuli, nasita sa ‘Safer Metro Manila’ ops

131
0

MANILA, Philippines – Mahigit 1,000 indibidwal ang nasita at nahuli sa ikinasang Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operation (SACLEO) noong Martes ng gabi, Abril 7, sa Pasig, Pasay, at Taguig sa ilalim ng inisyatibong “Safer Metro Manila.”

Isinagawa ang operasyon bilang pagtugon sa direktiba ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na paigtingin ang pagpapatupad ng mga lokal na ordinansa at traffic violations.

Sa Barangay Pinagbuhatan sa Pasig City, 604 indibidwal ang nasita ng mga awtoridad. Kabilang dito ang isang lalaking natiketan bago pa man niya matapos ang kaniyang sigarilyo. “Kamot na naman ulo, ingat na lang. Mahirap tigilan eh… Sakit sa bulsa,” himutok ng lalaki na nahaharap sa P3,000 multa o community service.

Ayon kay Brig. Gen. Aden Lagradante, District Director ng Eastern Police District (EPD), magpapatuloy ang kampanya. “We will continue and we will sustain the effort,” aniya. Karamihan sa mga nahuli sa Pasig ay lumabag sa mga ordinansa laban sa pag-iinuman sa kalsada, maingay na videoke, at paglalakad na walang pang-itaas sa pampublikong lugar.

Sa Pasay City, 136 indibidwal ang dinampot sa Oplan Bulabog. Ayon kay Col. Joselito De Sesto, hepe ng Pasay City Police, kabilang sa mga dahilan ng pag-aresto ang paglabag sa batas kontra droga, pagkakaroon ng arrest warrant, at paglabag sa city ordinances gaya ng pagsusugal at curfew.

Sa Taguig City naman, 272 indibidwal ang nahuli sa Oplan Galugad at Oplan Sita. Pinakamarami sa mga naaresto ang mga nag-iinuman sa pampublikong lugar na umabot sa 88. Nasa 67 na menor de edad din ang lumabag sa curfew, 59 ang nahuli dahil sa pagpapata-topless sa labas ng bahay, at 40 ang nahuling naninigarilyo sa pampublikong lugar.

Ayon sa Philippine National Police, ang mga hindi makababayad ng multa ay sasailalim sa community service o paglilinis sa kani-kanilang barangay. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here