Home NATIONWIDE 5 Japanese na sangkot sa fraud syndicate, ipinatapon ng Pinas

5 Japanese na sangkot sa fraud syndicate, ipinatapon ng Pinas

114
0

MANILA, Philippines – IPINAHAYAG ng Bureau of Immigration (BI) na ipinatapon na nila pabalik sa kanilang bansa ang limang puganteng Japanese nationals patungong Tokyo na pawang sangkot umano sa fraud syndicate nitong Abril 7.

Ayon kay BI Warden Facility Chief Velasco Felix, ang mga deportee na sina Iwamoto Miyako, 34; Osawa Ayumi, 33; Norichika Harada, 48; Nobuyuki Arima, 45; at Yuya Yano, 34, ay sumakay sa flight ng Japan Airlines patungong Tokyo nitong Martes ng umaga mula sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3.

Nauna nang naaresto ang grupo ng Fugitive Search Unit (FSU) ng BI sa isinagawang magkakaugnay na operasyon sa Bulacan at Quezon dahil sa umano’y pagkakasangkot sa mga kaso ng panloloko at pagnanakaw sa Japan.

Kinilala ng mga awtoridad ang ilan sa kanila bilang miyembro ng isang splinter group ng kilalang “JP Dragon” syndicate, na sangkot umano sa malawakang scam operations na target ang iba’t ibang biktima, kabilang ang mga nakatatanda.

Naglabas na rin ng arrest warrants ang mga awtoridad ng Japan laban sa mga suspek kaugnay ng mga kasong fraud at theft, kabilang ang panlilinlang sa mga biktima upang ibigay ang kanilang bank details at pera. Kinumpirma rin ng BI na sangkot ang mga ito sa kahina-hinalang aktibidad sa Pilipinas, gaya ng pagpapatakbo ng online workstations na konektado sa scamming operations.

Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, ipinapakita ng deportasyon ang matibay na paninindigan ng pamahalaan laban sa pagtatago ng mga dayuhang pugante sa bansa.

Idinagdag pa ng BI na isinama na sa blacklist ang pangalan ng limang pugante, kaya’t hindi na sila muling makakapasok sa bansa sa hinaharap. Jay Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here