MANILA, Philippines – Sinabi ni Senador Sherwin Gatchalian, humigit-kumulang 100,000 manggagawa sa konstruksyon ang apektado ng pagkansela ng lisensya ng ilang kontratista na konektado sa korupsyon sa flood control projects.
Batay sa datos mula sa DOLE, sinabi ni Gatchalian na kinansela ng Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB) ang lisensya ng mga flood control contractors, na nagdulot ng pagkawala ng trabaho sa mga manggagawa.
Binanggit ni Senadora Risa Hontiveros na nangangailangan ng “agap at pangmatagalang tulong” ang mga pamilya ng mga nawalan ng trabaho. Idinagdag ni Gatchalian na nakararanas ng slowdown ang industriya ng konstruksyon, na posibleng magdulot ng karagdagang pagkawala ng trabaho sa mga susunod na buwan.
Gayunpaman, kumikilos na ang DOLE upang ma-rechannel ang mga apektadong manggagawa sa proyekto ng gobyerno at pribadong sektor.
“Baka meron na available na trabaho sa private sector kasi ang construction in the private sector, hindi naman affected. Tuloy-tuloy pa rin ang growth in the private sector,” ani Gatchalian.
Nagbibigay din ang DOLE ng pansamantalang tulong sa trabaho, pati na rin ng TESDA programs para sa reskilling at upskilling ng mga nawalan ng trabaho. RNT