MANILA, Philippines – Sinabi ni Atty. Kristina Conti, assistant to counsel ng ICC, ang desisyon ng International Criminal Court (ICC) sa apela ni dating Pangulong Rodrigo Duterte para sa interim release ay minimal o halos walang epekto sa pangunahing kaso laban sa kanya para sa crimes against humanity.
“Ano’t ano man, minimal o wala nga halos yung effect nito doon sa daloy o takbo ng hearing mismo doon sa main case,” ani Conti.
Binigyang-diin niya na ang interim release ay hindi nangangahulugang napawalang-sala si Duterte: “Ang interim release ay dahil lang may dahilan para palayain ka to enjoy your liberty because of presumption of innocence.”
Kung aprubahan, ipatutupad ang mahigpit na kondisyon sa kanyang paggalaw at komunikasyon, katulad ng mga restriksyon noong siya ay nasa ICC detention sa The Hague. Sinabi rin ni Conti na ang host country para sa interim release ay hindi ang Pilipinas.
Patuloy ding tinutukoy ng ICC ang iba pang isyu, kabilang ang kakayahan ni Duterte na humarap sa paglilitis, na may mga expert reports na nakatakdang isumite sa Disyembre 5 at maaaring magkomento ang mga partido hanggang Disyembre 12.
Ang pangunahing kaso ay sumusuri sa umano’y crimes against humanity sa drug war, na may iniulat na bilang ng patay mula 6,000 hanggang 30,000 ayon sa human rights groups. RNT