Home METRO 101 trike na-impound sa pag-arangkada ng ‘No Plate, No Travel’ policy

101 trike na-impound sa pag-arangkada ng ‘No Plate, No Travel’ policy

MANILA, Philippines- May kabuuang 101  tricycle ang na-impound ng Land Transportation Office (LTO) sa unang linggo ng implementasyon ng ‘No plate, No travel’ policy sa mga tricycle sa Quezon City.

Ayon sa ulat nitong Linggo, sinabi ni LTO chief Vigor Mendoza na suportado ng mga miyembro ng Tricycle Operators and Drivers’ Association (TODA) ang mahigpit na pagpapatupad ng polisiya upang protektahan ang mga lehitimong tricycle driver.

Inihayag pa ni Mendoza na nawawalan ng kita ang tricycle drivers dahil sa colorum tricycles, na bumibiyahe nang walang kaukulang permit.

Nagsisilbi ang “No Plate, No Travel” policy sa Quezon City na pilot run ng mas maigting na road safety at anti-colorum measures ng LTO sa plano nitong implementasyon ng panukala sa buong bansa, partikular sa four-wheel vehicles.

Nauna nang sinabi ng LTO na kasunod ito ng pagtugon sa halos 3,000 backlog sa tricycle license plates sa lungsod noong Mayo. RNT/SA