Home METRO 105 trak ng basura nakolekta sa pagbayo ni ‘Enteng’

105 trak ng basura nakolekta sa pagbayo ni ‘Enteng’

95
0
(Crismon Heramis)

MANILA, Philippines- Sinabi ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nitong Miyerkules na nakakolekta ito ng mahigit 100 truck ng basura sa capital region sa gitna ng pananalasa ni Severe Tropical Storm Enteng (international name: Yagi).

Sa nasabing bilang, nakolekta ang isang truck ng basura mula sa Manila Baywalk Dolomite Beach.

“During the Bagyong Enteng, simula September 1, nakakuha kami ng 105 truckloads ng basura,” paglalahad ni MMDA Flood Control and Sewerage Management Office Division chief Michael Doce sa isang panayam.

“Dito sa dolomite [beach], mga 45 cubic meters ang naiahon namin, isang truckload. Hanggang sa ngayon nagkakaroon kami ng basura du’n sa dolomite dahil patuloy ‘yung hanging Habagat na nagdadala ng basura,” dagdag niya.

Subalit, sinabi ng MMDA na may mas mahinang epekto ang pagbayo ni Enteng sa Metro Manila dahil sa 24/7 operations ng water pumping stations.

Subalit, pinaalalahanan pa rin ng ahensya ang publiko ng wastong pagtatapon ng basura.

“’Yung MMDA naman o ‘yung gobyerno ay nag-ano sa mga tao na ‘yung disiplina sa pagtapon ng basura, na ‘wag magtapon ng mga basura sa waterway. Tsaka ‘yung sa pag-segregate ng basura, para mabawasan ‘yung basurang itatapon natin sa landfill,” wika ni Doce.

Ipinanawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Martes sa local government units na tugunan ang waste management sa kanilang lokalidad kasunod ng tropical cyclone.

Nakalabas na si Enteng ng Philippine Area of Responsibility nitong Miyerkules ng umaga. RNT/SA

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here