MANILA, Philippines- Ipinadala na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang 133,000 family food packs sa mga lugar na labis na tinamaan ng Tropical Storm Enteng.
Iniulat ni DSWD Secretary Rex Gatchalian kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na sa kasalukuyan ay pinoproseso na nila ang 100,000 pang family food packs.
“Mr. President, as reported to you the other night, we have already deployed 133,000 family food packs. And we are currently processing another 100,000, ‘yung mga bago na dumating. But you’re right, Mr. President, if you look at the breakdown of where we sent the food packs, it followed the path of the storm,” ang sinabi ni Gatchalian kay Pangulong Marcos sa isinagawang situation briefing sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa Camp Aguinaldo, Quezon City.
“Of course, NCR (National Capital Region), because nandito ‘yung flooded areas all the time. But after NCR, it was Region V where the storm came closest at its height, 24,000; and then Region III, 21,000; CALABARZON, 12,000,” dagdag na wika nito.
Tinuran pa ng Kalihim sa Pangulo na ang pigura ay augmentation numbers para suportahan ang inisyatiba ng lokal na pamahalaan.
Ang family food packs para sa mga biktima ng bagyong Enteng ay maaaring umabot sa 250,000
Sa kabilang dako, binabanatayan naman ng DSWD ang dalawang nagbabadyang bagyo para sa ‘stockpiling needs.’
Sinabi pa ni Gatchalian na bago pa manalasa ang bagyong Enteng, nakapag-imbak na ang DSWD sa national stockpile nito ng 1.7 milyong family food packs na ipinakalat sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
“So now we’re doing both response and stockpiling kasi we’ll be using up our stockpile in those said regions. But we’re confident mahahabol naman namin ‘yun. As we speak right now, we’re deploying, and we’re packing, and we’re stockpiling,” ayon sa Kalihim.
Ipinag-utos ni Pangulong Marcos sa DSWD na patuloy na bumili ng relief goods bilang paghahanda sa pagtama ng mga bagyo sa bansa sa mga susunod na buwan.
”I think we’re alright in terms of supply of our relief goods that we can give… But we must continue the procurement because there is a very good chance that this is not going to be the last for this month. So, we have to prepare for that,” wika ni Marcos.
Samantala, sa isang kalatas, inihayag ni Pangulong Marcos na mahigit sa P16 milyong humanitarian aid ang ipinadala sa mga lugar na labis na tinamaan ni “Enteng.”
Mayroon namang P65.5 milyong standby fund at P2.6 bilyong stockpiles ang nakaantabay upang ipamahagi sa mga biktima ng bagyo. Kris Jose