MANILA, Philippines – Na-repatriate na ng pamahalaan ang 106 Pilipino mula Israel sa ginta ng patuloy na tensyon sa rehiyon, ayon kay Philippine Ambassador to Israel Aileen Mendiola.
Kabilang sa bilang na ito, 77 ang dinaan sa Egypt, 28 sa Jordan, at isa ang nakabalik agad sa pamamagitan ng humanitarian flight. Kabilang sa mga na-repatriate ang isang dalawang buwang sanggol.
Ayon kay Mendiola, karamihan sa 26,675 Pilipino sa Israel ay nananatili dahil sa trabaho at seguridad. Nilinaw niya rin na walang diskriminasyon sa paggamit ng bomb shelters ayon sa batas ng Israel.
Nagpayo ang embahada sa mga Pilipino na i-download ang “Home Front Command” app at ihanda ang “Go Bags” na may mahahalagang dokumento, pagkain, at gamot. Pinayuhan din na agad magtungo sa shelters kapag may alarm.
Nagbabala rin ang embahada laban sa kumakalat na pekeng balita at larawan mula sa AI, at hinihikayat ang pamilya na makipag-ugnayan lamang sa kanilang mahal sa buhay at opisyal na channel ng embahada. RNT/MND