Home NATIONWIDE 10K benepisyaryo mula Zamboanga City naabutan ng tulong pinansyal at bigas

10K benepisyaryo mula Zamboanga City naabutan ng tulong pinansyal at bigas

MANILA, Philippines – Kabuuang 10,000 residente ng Zamboanga City ang nakatanggap ng tulong pinansyal at bigas sa ilalim ng makabagong program para sa mga vulnerable sector.

Ang Cash Assistance and Rice Distribution (CARD) Program ay hindi lamang naglalayong palakasin ang purchasing power o kakayanang bumili ng publiko kundi isa ring istratehikong tugon sa paglaban sa mga hoarder at mga nagmamanipula ng presyo ng bigas.

Nakatanggap ang bawat isa sa 10,000 benepisyaryo ng tig-P2,000 cash sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) Program ng DSWD, at 25 kilo ng premium rice na nagkakahalaga ng P1,000.

Ang mga benepisyaryo ay mula sa marginalize at vulnerable sector gaya ng mga mahihirap, senior citizen, PWDs, single parent at indigenous peoples.

Sa nasabing event sinabi ni House Speaker Martin Romualdez na pinagtulungan nila ng mga opisyal ng Department of Agriculture upang mapababa sa P30 ang presyo ng bigas pagsapit ng Hulyo.

“Ang target namin: bigas na hindi tataas sa P30 bawat kilo. Sisimulan ang pagbenta nito sa ilang piling KADIWA Centers na itatayo ng Department of Agriculture sa mga siyudad sa buong bansa,” pahayag ni Romualdez.

Ayon kay Romualdez ang CARD Program ay halimbawa ng pagtutulungan ng pamahalaan para tugunan ang tumataas na presyo ng bilihin at maisulong ang katatagan ng ekonomiya na pakikinabangan ng mga Pilipino. Gail Mendoza