MANILA, Philippines – Naniniwala ang ilang mambabatas na ang napaulat na pag-wiretap sa pag-uusap ng isang Chinese diplomat at opisyal ng militar kaugnay ng “new model agreement” sa resupply mission sa Ayungin Shoal ay pampagulo lamang sa isyu ng West Philippine Sea (WPS).
Sa isang press conference, sinabi ni Deputy Majority Leader at Tingog Party-list Rep. Jude Acidre na dapat ding masusing imbestigahan ang pinanggalingan at ang motibo sa umano’y insidente ng wiretapping na isinapubliko ni Defense Secretary Gilbert Teodoro.
“Bakit lumalabas ang mga ganitong misinformation or mga wiretapping? Nagpapakita lang na medyo act of desperation na po ito, ano, para to muddle the entire issue,” punto ni Acidre.
Sinabi naman ni Deputy Majority Leader at Isabela 6th District Rep. Faustino “Inno” Dy na ang insidente ng wiretapping ay isang malinaw na pagsira sa tiwala at paglabag sa batas ng bansa.
Sinuportahan ni Dy ang pahayag ni Teodoro na kung sinuman ang responsable sa wiretapping ay dapat na managot.
Suportado rin ni Dy ang pagsasagawa ng Department of Foreign Affairs (DFA) ng imbestigasyon sa wiretapping incident.
Sumama rin si Assistant Majority Leader at Manila 1st District Rep. Ernesto Dionisio sa pagkondena sa wiretapping incident at iginiit ang kahalagahan na mapanagot ang mga ito.
Nauna rito ay nanawagan si Teodoro sa DFA na imbestigahan ang insidente at papanagutin kung sino ang nag-wiretap sa umano’y pag-uusap ng isang Chinese diplomat at opisyal ng AFP kaugnay ng bagong modelong gagamitin para sa rotation and resupply mission sa Ayungin Shoal na sakop ng WPS noong Enero. Gail Mendoza