MANILA, Philippines – Magpapakalat ang Philippine National Police (PNP) ng nasa 10,000 pulis upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa unang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa Oktubre 13.
Sa press briefing nitong Lunes, Agosto 18, sinabi ni PNP chief Gen. Nicolas Torre III na batay sa resolusyon ng Commission on Elections (Comelec), nagsimula na ang gun ban sa rehiyon noong Agosto 14 at tatagal hanggang Oktubre 28 o election period para sa BARMM polls.
Ani Torre, ginagawa na nila ang lahat ng hakbang upang maiwasan ang poll-related violence.
“Bilang bahagi naman ng paghahanda naman sa 2025 BARMM elections nakapag-deploy na ang PNP ng almost 10,000 na personnel sa iba’t ibang bahagi ng BARMM,” sinabi pa ni Torre.
“All the security measures we are implementing are part of the preparation to ensure a safe, peaceful and credible elections in the region.”
Ayon kay Torre, nasa 94 bayan sa BARMM ang inilagay sa “red” category.
Nasa ilalim naman ng Comelec control ang dalawang bayan, ang Buluan sa Maguindanao del Sur at Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte dahil sa karahasan ngunit maaari ring alisin ang deklarasyon. RNT/JGC