MANILA, Philippines – Nasa kritikal na kondisyon ang isang 11-anyos na batang babae matapos umano siyang bugbugin at saksakin ng isang 14-anyos na lalaki sa loob ng isang abandonadong bahay sa Arayat, Pampanga, ayon sa mga awtoridad.
Kinilala lamang ang biktima sa pangalang “Nena,” isang Grade 5 student, habang ang suspek na si “Justine” ay itinuturing na Child in Conflict with the Law (CICL).
Ayon sa pulisya, nangyari ang insidente bandang tanghali noong Mayo 22 sa Barangay Paralaya at iniulat sa mga awtoridad kinabukasan sa pamamagitan ng barangay officials.
Sa paunang imbestigasyon, lumalabas na hinikayat umano ng suspek ang biktima na pumasok sa abandonadong bahay sa pamamagitan ng pag-aalok na ipakita ang isang patay na aso sa loob ng lugar. Nakuhanan din umano ng CCTV ang unang bahagi ng insidente.
Pagpasok sa loob, bigla umanong hinampas sa ulo ang biktima gamit ang basag na bote, at kalaunan ay paulit-ulit na sinaksak gamit ang bubog, na nagresulta sa maraming sugat. Ayon sa mga awtoridad, pinilit din umano siyang lumunok ng bato upang hindi siya makasigaw o makahingi ng tulong.
Dinala ang malubhang sugatang bata sa ospital sa San Fernando, Pampanga at kasalukuyang nasa intensive care unit.
Isinailalim na sa Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) ang kaso para sa kaukulang interbensyon alinsunod sa batas para sa mga menor de edad. Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad. Mary Anne Sapico