Home NATIONWIDE 11 OFW apektado sa Kuwait fire – DMW

11 OFW apektado sa Kuwait fire – DMW

MANILA, Philippines – Iniulat ng Department of Migrant Workers (DMW), sa pamamagitan ng Migrant Workers Office nito sa Kuwait (MWO-Kuwait), na labing-isang (11) overseas Filipino workers (OFWs) ang apektado ng sunog na tumupok sa isang gusaling tinutuluyan ng mga foreign workers nitong Miyerkules ng umaga.

Sa ulat na ipinadala kay Migrant Workers Secretary Hans Leo J. Cacdac, sinabi ni MWO-Kuwait na tatlo sa labing-isa ang ligtas habang ang tatlong iba pa ay nasa ospital — dalawa rito ay nasa intensive care at nagpapagaling sa mga tinanong sugat.

Ang kalagayan naman ng lima iba pang OFWs ay nakabinbin pa rin ang kumpirmasyon mula sa mga awtoridad ng ospital.

Inatasan na ni Secretary Cacdac ang MWO-Kuwait na manatiling nakikipag-ugnayan sa mga awtoridad ng ospital hanggang sa ganap nilang matiyak ang katayuan ng limang hindi na-account na OFW.

Inatasan din niya ang MWO-Kuwait at ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Welfare Office sa Kuwait na tingnan ang agarang pangangailangan ng anim pang OFW.

Iniulat ang sunog alas-4:30 ng umaga ng Miyerkules, Hunyo 12, 2024 (9:30 ng umaga, oras sa Pilipinas) sa Mangaf, baybaying lungsod sa timog ng Kuwait City.

Nitong huling bahagi ng gabi, iniulat ng Interior Ministry ng Kuwait na hindi bababa sa 49 katao ang namatay, na may maraming nasugatan.

Ang MWO-Kuwait, sa koordiansyon ng Philippine Embassy sa Kuwait, ay patuloy na babantayan ang sitwasyon at i-update ang DMW Head Office kung kinakailangan. Jocelyn Tabangcura-Domenden