Home METRO 11-storey Pasig University, scholarship sa kolehiyo programa ni Discaya

11-storey Pasig University, scholarship sa kolehiyo programa ni Discaya

  • Pasig City, Philippines – “Kailangan ng mga estudyante ng equal opportunity upang matupad nila ang kanilang mga pangarap at maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral.”

Swak sa priority program ni Pasig mayoralty aspirant Sarah Discaya ang pagbibigay ng pantay-pantay na oportunidad sa mga kabataang Pasigueño upang matulungan ang mga ito na makapagtapos ng kanilang pag-aaral sa kolehiyo.

Ito’y nakasaad sa inihayag na plataporma ni Discaya sa ilalim ng vision ng Team Sarah na ‘smart city’ para sa Lungsod Pasig na may smart hospitals, smart schools, at smart facilities.

Kasama sa kanyang hangarin ang pagpapatayo ng Pasig University na may 11  palapag upang mapagsilbihan ang mga mag-aaral ng lungsod Pasig.

Ayon kay Discaya, mahalaga sa pag-aaral ng mga kabataan ang pagkakaroon ng mga modernong pasilidad upang mahandugan ang mga ito ng dekalidad na edukasyon.

“Isa sa mga susi sa dekalidad na edukasyon ay ang pagkakaroon ng matatag, epektibo, at modernong mga pasilidad na siguradong magagamit at mapapakinabangan ng ating mga estudyante,” sabi niya.

Kaugnay nito, sinabi rin ni Discaya, na kilala bilang Ate Sarah, na hindi lamang para sa mga kabataang “academic achievers” ang pagkakaroon ng scholarship sa kolehiyo.

Dapat din aniyang mabigyan ng scholarship ang mga kabataang nagnanais makapagtapos ng college degree ngunit walang kakayahan at hindi angkop ang grado sa kasalukuyang ‘standards’ ng scholarship application na pinaiiral ng lungsod.

Nais umano niyang pababain ang grade requirement ng college scholarship sa 75% para kahit pasang-awa ay makakapagpatuloy pa rin ng pag-aaral ang mga estudyante.

“Pababain sana ito upang lahat ng estudyante ay makapag-aral sa kolehiyo at magkaroon ng equal opportunity. Hindi kailangang maging hadlang ang grado upang matupad ang kanilang mga pangarap.” sabi ni Discaya.

Nitong nakaraan lamang, sinabi ni Ate Sarah na ang surplus fund at annual budget umano ng Pasig ay dapat na pantay-pantay na maipamahagi sa mga Pasigueño upang matustusan ang kanilang mga pangangailangan tulad ng healthcare services, school services, peace and order, at social protection. RNT