Home NATIONWIDE 11 sugatan sa tumagilid na jeep

11 sugatan sa tumagilid na jeep

NEGROS OCCIDENTAL – SUGATAN ang 11 katao, kabilang ang limang menor de edad, matapos tumagilid ang isang pampasaherong jeep sa Sitio Mambucano, Barangay Cabatangan, Talisay City, Negros Occidental nitong Lunes ng umaga, Mayo 19.

Ayon kay Police Major Rhazl Jim Jocson, deputy chief ng Talisay City Police Station, nawalan umano ng kontrol ang jeep habang paakyat sa isang kurbadang kalsada dahil sa problema sa makina.

Bigla na lamang umatras ang jeep at tumagilid sa gilid ng kalsada. Ayon kay Jocson, hindi umano naibaba ng 49-anyos na driver ang kambyo mula ikalawang gear patungo sa una habang paakyat ang sasakyan.

Agad nabigyan ng paunang lunas ang mga biktima habang tatlo ang isinugod sa ospital at kalauna’y pinalabas rin matapos mabigyan ng lunas.

Hindi naman nasaktan ang driver at kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya habang hinihintay kung magsasampa ng reklamo ang mga biktima. Mary Anne Sapico