MANILA, Philippines — Aabot sa 111,582 pulis ang planong italaga ng Philippine National Police (PNP) sa iba’t ibang bahagi ng bansa para sa paggunita ng Undas sa Nobyembre 1 at 2, higit doble kumpara sa deployment noong nakaraang taon.
Ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG), palalakasin ang seguridad sa 5,628 sementeryo at columbaria, gayundin sa mga terminal at iba pang lugar na inaasahang dadagsain ng publiko.
Sinabi ni Police Colonel Amante Daro, acting executive officer ng PNP Directorate for Operations, na kabilang sa deployment ang 11,782 tauhan mula sa iba pang police units.
Makikipagtulungan din ang 31,814 force multipliers, kabilang ang Barangay Peacekeeping Action Teams, PNP advocacy support groups at mga kawani ng lokal na pamahalaan, sa pagpapanatili ng kaayusan at pamamahala ng trapiko.
Bukod sa mga sementeryo, magtatalaga rin ng mga pulis sa bus terminals, transportation hubs, malls at resorts.
Tututukan din ng PNP ang pagpapatrolya sa mga residential area, partikular ang mga bahay na maiiwan ng mga pamilyang magbabakasyon o uuwi sa kani-kanilang probinsya.
“May pupunta ng probinsya, iiwanan ang kanilang mga bahay. Minsan buong pamilya wala, so walang tao,” paliwanag ni Daro sa DILG forum.
Sinabi niyang magsasagawa ng mga patrol upang maiwasan ang pagpasok ng mga magnanakaw sa mga naiwang tahanan.
Batay sa opisyal na datos ng DILG, 50,253 pulis ang inilaan sa nationwide deployment noong Undas 2025.
Nauna nang inatasan ni PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr. ang mga police unit na tapusin ang kanilang security plans, kabilang ang paglalagay ng police assistance desks, foot patrols at emergency response teams sa mga sementeryo.
Layunin ng mas pinaigting na deployment na mapanatili ang seguridad habang milyun-milyong Pilipino ang inaasahang bibisita sa mga puntod ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay. Santi Celario