MANILA, Philippines — Tiniyak ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na hindi inaasahan ang malawakang krisis sa suplay ng tubig sa Metro Manila sa kabila ng banta ng matinding El Niño.
Sinabi ni MWSS Chief Regulator Patrick Ty sa isang panayam na handa ang Manila Water at Maynilad upang matugunan ang pangangailangan sa tubig ng mga residente.
“I can guarantee na wala pong water service crisis this coming Super El Niño. Handa po ang Manila Water at Maynilad, hindi po magkakaroon ng water crisis,” ani Ty.
Ipinaliwanag niyang bagama’t posible ang pansamantalang water interruptions, inaasahang maibabalik ang serbisyo sa loob ng 24 oras.
Dahil dito, sinabi ng opisyal na hindi kailangang mag-panic buying o labis na mag-imbak ng tubig ang mga residente.
Kasunod ito ng panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maghanda ng mga balde at iba pang lalagyan ng tubig bilang pag-iingat sa posibleng epekto ng El Niño.
Ayon sa MWSS, sinimulan pa noong 2022 ang mga paghahanda upang maiwasan ang pag-uulit ng matinding kakulangan sa tubig na naranasan noong 2019.
Kabilang sa mga hakbang ang pagdaragdag ng mapagkukunan ng tubig upang mabawasan ang pagdepende sa Angat Dam.
Sa hiwalay na pahayag, sinabi ng Maynilad na napababa nito ang araw-araw na pagkawala ng tubig sa sistema nang mahigit 150 milyong litro kumpara noong nakaraang taon.
Samantala, kabilang sa mga pinagkukunan ng Manila Water ang Cardona Water Treatment Plant na may kapasidad na 110 milyong litro kada araw at East Bay Phase 1 na may kapasidad na 50 milyong litro kada araw.
Inaasahan ding makapagdaragdag ng 200 milyong litro kada araw ang East Bay Phase 2 kapag ganap nang gumana ang pasilidad.
Gayunman, patuloy na hinihikayat ng MWSS ang publiko na magtipid at gamitin nang responsable ang tubig.
Nauna nang nagbabala ang PAGASA na maaaring magpatuloy ang matinding El Niño hanggang sa unang kalahati ng 2027, na posibleng magdulot ng kakulangan sa ulan at tagtuyot sa ilang lugar sa bansa. Santi Celario