Home OPINION 112 DEDO SA SUNOG

112 DEDO SA SUNOG

SA bansang Chile, grabe ngayon ang wildfire o matinding sunog na basta na lang sumiklab sa kung saan-saan at sa katunayan, may 161 lugar na nasunog o nasusunog hanggang ngayon.

Naapula na ang 102 sunog ngunit nilalabanan pa ang 44.

Nasa 112 na ang natatagpuang patay at inaasahang madaragdagan pa sila.

Ito’y dahil may kulang-kulang na 400 katao na missing hanggang ngayon.

Sa mga namatay, may mga inabutan talaga ng sunog, pero meron ding natagpuang mga patay dahil sa hindi sila makahinga sa mga makakapal na usok.

‘Yung iba, natupok kasama ang mga sasakyang nakulong habang sila’y tumatakas.

May 1,400 nang bahay ang nasunog habang hindi rin mabilang ang mga sasakyang natupok din.

At itinatakbo ang maraming tao sa mga evacuation center.

Ang ginagawa ngayon ng mga awtoridad, ang mga lugar na may maraming tao ang inuuna nilang iligtas sa mga sunog.

Kasama rito ang Valparaiso at Viña del Mar.

Bombero, pulis, sundalo, volunteer groups at iba pa ang ngayo’y nagsasama-sama laban sa sunog.

May heatwave o matinding pag-iinit umano sa kapaligiran sa Chile, at kasama rin ang ibang malalapit na bansa rito.

Ang Colombia, katatapos lang din na pinsalain ng malalaki at malawakang sunog.

Naunang nanawagan ito ng tulong mula sa ibang mga bansa para matulungan sila.

SA PINAS?

Nagsisimula pa lang na maramdaman ang El Niño at pakikipagsanib nito sa tag-tuyot na karaniwang nasa mga buwan ng Marso-Abril-Mayo.

Sa darating na buwan, muling magbibigay ang mga bumbero ng mga babala sa pagkakaroon ng sunog sa mahal kong Pinas dahil Marso ang karaniwang simula ng maraming sunog dahil sa tag-init.

Karanasan nang hindi lang mga kabahayan kundi mga kabundukan ang nasusunog din sa atin.

Mararanasan din kaya natin ang mga sunog na sobrang dami na sumisiklab nang sabay-sabay gaya ng nangyayari sa Chile, Colombia at iba pa?

TUBIG SA DAM AT TULUNGAN VS SUNOG

Lahat ng mga dam, kumukonti na ang mga laman.

Sinasabing kaya umanong itawid sa mga buwan ng tagtuyot ang laman ng mga ito lalo’t hindi na lang dam ang pinagkukunan ng tubig kundi sa iba pa, gaya ng Laguna de Bay.

Pero ito’y para lang sa mga nasa Metro Manila at nakapaligid na lalawigan.

Pero may mga pakiusap ang mga awtoridad dahil nangangamba silang baka kukulangin pa rin ng tubig ang Mega Manila.

Magtipid at maging wais sa paggamit ng tubig.

Dapat lang tayong sumunod.

Paano nga kung magkaroon tayo ng maraming sunog na karaniwang pinag-uubusan natin at mga bumbero ng maraming tubig?

Karanasan nang marami sa mga fire hydrant ang nawawalan ng tubig o mahinang pagkuna ng tubig sa tag-araw.

Paano kung sisiklab ang sunog sa mga lugar na ito?

Ang sunog naman sa mga kabundukan, karaniwang hindi naaapula dahil hindi kayang akyatin ng mga bumbero ito at natutuyo naman ang mga ilog sa ibaba ng mga ito.

Basta maghanda tayo, mga Bro, laban sa mga sunog bilang katulong ng ating mga bumbero at awtoridad.

Previous articleNO TO NTF-ELCAC ABOLITION
Next articleEasterlies magpapaulan sa ilang lugar