MANILA, Philippines- Nasa 114,000 pasahero ang naitala sa iba’t ibang daungan sa buong bansa noong Biyernes, Enero 3, sa pagbabalik ng mga Pilipino sa trabaho at klase sa pagtatapos ng holiday break.
Sinabi ng Philippine Coast Guard (PCG) na mayroong 59,594 na outbound passengers at 55,208 inbound passengers sa lahat ng daungan sa buong bansa mula alas-6 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali sa unang Biyernes ng 2025.
May kabuuang 2,999 PCG personnel ang naka-deploy sa field sa 16 coast guard districts sa buong bansa at nakapag-inspeksyon ng 552 vessels at 1,040 motorboats.
Nitong Biyernes, minarkahan ang huling araw na inilagay sa heightened alert ang lahat ng PCG Districts, stations at sub-stations simula Dec. 20 upang mapamahalaan ang pagbuhos ng mga pasahero para sa Christmas at New Year’s Day celebration.
Inaasahan ng PCG na dadami pa ang mga pasahero sa mga daungan ngayong weekend.
Samantala, inalerto ng PCG ang kanilang tauhan at pinatitiyak ang kaligtasan ng mga pasahero sa gitna ng pagdagsa ng mga tao sa mga pantalan.
Ito ay dahil sa nagpapatuloy na search and rescue (SAR) operations upang mahanap ang nawawalang crew ng MV Jerlyn Khatness, isang cargo ship na lumubog sa Lavezares, Northern Samar noong Dec. 30.
Nakitaan naman ng minimal light fuel spill malapit sa hinihinalang pinaglubugan ng barko.
Lulan ng barko ang mga semento mula Naga City, Cebu patungong San Jose, Northern Samar nang hampasin ng malalaking alon na nagresulta ng pagtaob at tuluyan nitong paglubog. Jocelyn Tabangcura-Domenden