BULACAN, Philippines – Umabot na sa 115 pamilya na apektado ng nakakasulasok na usok mula sa nasusunog na Navotas Sanitary Landfill ang dinala sa evacuation center ng pamahalang bayan ng Obando.
Sa ulat, ang 115 pamilyang apekrado ng usok ay pawang residente ng isla na sakop ng Brgy. Salambao at Brgy. Binuangan, Obando.
Ayon sa ulat, ang mga pamilyang ito ay kasalukuyang nasa Obando National Highschool ng Brgy. Paliwas na pansamantalang ginawang evacuation center.
Nabatid na nagtutulong ang pamahalang bayan sa pangunguna ni Mayor Ding Valeda at Pamahalaang Panlalawigan sa pamumuno naman ni Governor Daniel Fernando na mabigyan ng pangunahing pangangailangan ang mga pamilyang lumikas.
Bandang 12:07 ng tanghali nitong Abril 14, personal na tumungo at nagbigay ng gamot, pagkain at cash na hindi nabanggit na halaga si Fernando katuwang ang pamahalaang bayan at pamahalaang barangay sa mga pamilyang naroroon.
Sinasabing nagsimula ang sunog sa umanoy matagal ng saradong landfill nitong nakaraang Biyernes na naging pahirapan at kasalukuyang inaapula pa rin ng mga pamatay sunog.
Samantala, naniniwala ang alkalde na umanoy posibleng melting gas sa ilalim ng lupa ang pinagmulan ng sunog. (Dick Mirasol III)







