MANILA, Philippines- Magkakaroon ng pagkakataon na ipaglaban ng 117 aplikante sa kandidatura para sa senador na hindi kasama sa partial list ng qualified bets, ang kanilang kaso sa Commission on Elections, sinabi ni Comelec Chairman George Garcia.
Maaaring ihain ng mga aplikante na nuisance candidates sa dalawang dibisyon ng komisyon at may pagkakataong iapela ang desisyon sa Comelec en banc.
Ayon kay Garcia, upang hindi magkaroon ng problema ang Comelec o kaya magdulot ng kaguluhan at kalituhan sa mga botante, kailangang matanggal ang mga nuisance candidate sa balota.
Sinabi ni Garcia na layon ng komisyon na maresolba ang lahat ng petisyon laban sa nuisance candidates sa Nobyembre upang mapaghandaan ang pinal na listahan ng mga kandidato at ang imprenta ng balota ay masimulan na sa katapusan ng Disyembre.
Itinuturing na nuisance candidates ang isang aspirant na ang pangalan ay halos pareho sa isang kandidato na batay sa ilalim ng Omnibus Election Code, ipinapakitang sila ay tumatakbo upang magdulot ng pagkalito at pagkahati ng boto sa iba pang kandidato.
Ayon kay Garcia, karamihan din sa aspirants ay walang tunay na intensyon para tumakbo para sa tungkulin at ang paghahain ng kanilang certificates of candidacy ay biro lamang.
Sinabi pa ng poll chief na binubusisi rin ng Comelec ang kanilang background, social media accounts, gayundin ang media interviews upang masuri kung sila ay seryoso sa kanilang pagtakbo sa public office. Jocelyn Tabangcura-Domenden