MANILA, Philippines- Inimbitahan ng Senate committee on women, youth and family relations ang itinuturing na POGO godfather na si Lin Xuhan alyas Lyu Dong upang dumalo sa pinakahuling pagdinig hinggil sa illegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators, ayon kay Sen. Risa Hontiveros.
Naaresto si Lin nitong Oktubre 10 sa Cebu City na naunang lumutang ang kanyangpangalan sa nakaraang pagdinig, banggit ng chairperson ng naturang komite.
“Naalala ng legis staff ko na siya o ‘yung isa sa mga alias niya ay nabanggit sa isa sa mga naunang hearing. So hindi po talagang bagong karakter ito sa larangan ng POGO sa Pilipinas. At ngayong naaresto na siya ng mga otoridad, ‘yun na nga mas mabubuo natin ang kwento niya at ang kuwento ng POGO,” ayon kay Hontiveros sa isang panayam.
Idinagdag pa ng senadora na maaaring makatulong ang testimonya ni Lin sa isinasagawang imbestigasyon laban kay dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
“Mayroong iba na ring nagbubuo ng teorya na may link din itong si Lyu Dong at saka si Guo Hua Ping,” giit ni Hontiveros.
Pawang Guo Hua Ping ang tunay na Chinese name ni Guo.
“At ‘yung iba pang mga big bosses hindi pa nga naaaresto tulad nina Duanren Wu ng Porac POGO hub, si Zhang Jie, at si Huang Zhiyang na sinabi na ni Guo Hua Ping at lumabas sa aming imbestigasyon ay kasosyo niya sa Bamban POGO hub. Itong lahat ng mga ito ay kailangan namin ma-establish,” ayon kay Hontiveros.
Naniniwala pa si Hontiveros na mayroon pang mas malaking POGO boss na dapat arestuhin.
Kaugnay nito, sinabi pa ni Hontiveros na walang impormasyon ang komite kung saan inilipat na kulungan ang self-confessed Chinese spy na si She Zhijiang, at walang contact ang Senado sa kanya.
Sa nakaraang interview ng Al Jazeera, sinabi ni She na kapwa niya spy si Guo.
Wala pa din umanong update ang Department of Foreign Affairs (DFA) hinggil sa pakikipag-ugnayan nito kay She.
Dahil malapit nang matapos ang imbestigasyon ng Senado sa POGO, sinabi ni Hontiveros na nasa kamay ng gobyerno upang ipagpursige ang pag-interview kay She.
“Kung wala man tayong makuha kay She by the time of our next and last hearing, at least in a way, nag-hand over na kami sa executive at sa ating intelligence agencies na alamin itong mga seryosong, posibleng implikasyon ng mga revelations so far ni She doon sa kanyang Al Jazeera interview at doon din sa Zoom interview na nagawa ng opisina ko kay Wang Fugui, yung naging dating kabilanggo niya at may hawak sa ilan sa mga importanteng files ni She,” pahayag ni Hontiveros. Ernie Reyes