MANILA, Philippines- Inilatag na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang kanilang mga plano para sa ligtas na pagdiriwang ng All Saints’ at All Souls’ Days, na mas kilala bilang “Undas.”
Nabatid na tinipon ng MMDA ang mga pinuno sa pagpapatupad ng batas at traffic bureau sa buong National Capital Region (NCR) upang talakayin ang pamamahala sa trapiko at mga hakbang sa pagtugon sa emerhensiya.
Sa ginanap na press conference sa MMDA headquarters sa Pasig City, nanawagan si Chair Don Artes sa Philippine National Police – Highway Patrol Group, NCR Police Office at lahat ng traffic bureau chiefs ng NCR local government units na maghanda para sa inaasahang exodus ng mga pasahero at motoristang pupunta sa mga probinsya.
Ayon kay Artes, nasa 1,257 tauhan ang ide-deploy mula sa Traffic Discipline Office ng MMDA, Special Operations Group-Strike Force, Metro Parkways Clearing Group, at Road Emergency Group para unahin ang mga terminal ng transportasyon, sementeryo, at mga pangunahing daanan.
Aniya, ipatutupad ang Oplan Undas 2024 mula Oktubre 27 hanggang Nobyembre 4 upang matiyak ang ligtas na pagdiriwang sa pag-alala sa mga yumaong mahal sa buhay at ipatutupad din aniya ang “no day off, no absent policy” para sa mga traffic personnel.
Palawigin umano ng mga tauhan ng MMDA ang kanilang oras ng duty hanggang hatinggabi isang araw bago at pagkatapos ng Undas.
Upang matiyak ang mabilis na pagtugon sa mga emergency, ang MMDA Road Emergency Group ay magpapakalat ng 12 tow truck at anim na ambulansya.
Kaugnay naman nito, itutuon ng Metro Parkways Clearing Group ang kanilang mga operasyon sa paglilinis sa paligid ng mga sementeryo mula Oktubre 26, hanggang Nobyembre 4.
Ang mga sitwasyon ng trapiko at closed-circuit television feed mula sa mga camera sa mga kalsada at sementeryo ng NCR ay susubaybayan sa MMDA Communications and Command Center.
Nabatid na nasa 30 unit ng deployable camera ang ipakakalat sa limang pangunahing sementeryo sa rehiyon kabilang ang Manila North at South cemeteries, Bagbag Public Cemetery sa Quezon City, Loyola Memorial Park sa Marikina, at San Juan Public Cemetery.
Samantala, ang Philippine National Police Aviation Security Unit (AVSEU) ay magpapakalat ng karagdagang tauhan at magpapaigting ng seguridad sa NAIA, na pangunahing gateway ng bansa, sa mga lungsod ng Pasay at Parañaque.
Sinabi ni Public Information Officer Maj. Junielle Agmata noong Biyernes na mayroong 571 tauhan ng AVSEU na kasalukuyang naka-deploy sa NAIA.
Hindi naman aniya bababa sa 100 pa ang ipakakalat upang suportahan ang mobile patrol at police visibility sa loob at labas ng mga terminal ng paliparan.
Ayon kay Office for Transportation Security (OTS) Administrator Crizaldo Nieves, kanilang ia-activate 24/7 ang kanilang Transportation Security Operations Center upang tulungan ang mga pasahero sa mga security concerns at para sa napapanahong pag-uulat ng mga insidente.
Sinabi ni Nieves na titiyakin ng OTS ang pagpapanatili ng security screening equipment upang maiwasan ang “breakdown” kung kailan inaasahan ang mataas na dami ng mga pasahero.
Nitong Biyernes, sinabi ni Manila International Airport Authority General Manager Eric Ines na hindi pa nila nahuhulaan ang dami ng pasahero para sa Oktubre 31 hanggang Nobyembre 3. JAY Reyes