MANILA, Philippines – Patay ang isang security guard matapos pagbabarilin ng kasamahan nitong gwardya rin, dahil sa pagiging late ng 30 minuto sa trabaho, sa Antipolo City, Rizal.
Ayon sa ulat, ang biktima ay reliever ng suspek sa trabaho at hindi umano ito ang unang pagkakataon na nahuhuli sa pagpasok ang biktima.
“Yung suspek natin parang buong araw nang nagdu-duty. Initially, sabi niya, parang araw-araw na late yung kasama niya,” sinabi ni Police Lt. Col. Ryan Manongdo, Antipolo City Police chief, sa panayam ng GMA News.
Matapos sumuko sa pulisya, sinabi ng suspek na hindi lamang ang pagiging late ang dahilan ng pagpatay niya sa kabaro.
“Pinagalitan po kami. Dala po ng galit, pati sa pagbabanta niya sa akin pati sa pamilya ko. Sa akin wala naman pong problema, pero ayaw kong nadadamay pa yung pamilya ko,” ayon sa suspek habang nasa detention.
Nakumpiska ng mga awtoridad ang handgun na ginamit ng suspek.
Nahaharap ito sa kasong homicide, bagamat tinitingnan ng mga awtoridad ang posibilidad na itaas ito sa reklamong murder. RNT/JGC