MANILA, Philippines – Naaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang Chinese national at dalawang Filipino sa Makati sa umano’y pang-eespiya sa mga kritikal na imprastruktura sa bansa kabilang ang mga military camp, power grids, at mga mall.
Ang mga suspek ay nag-eespiya umano gamit ang mga sopistikadong kagamitan na inilalagay sa likod ng sasakyan.
Nakumpiska ng NBI ang isang computer set, laptop, server, hard drives, electronic storage devices, router, modem, mobile phone, TV monitor at CCTV equipment.
Nakita rin ang isang ID, passport, printer, scanner, bank book, deposit slips na nagpapakita ng milyon-milyong halaga ng pera, mga dokumento at iba pang kagamitan sa umano’y fund transfer.
Sasailalim sa forensic investigation ng NBI ang mga nakumpiskang gadget para malaman kung may mga ebidensya ng pang-eespiya at iba pang sensitibong impormasyon na magagamit laban sa mga suspek.
“Isusupport ho nito yung theory nga ho na marami siyang nakuhang critical information na di dapat niya nakuha dahil yan ho ay nakakaapekto sa ating national security,” pahayag ni senior agent Marlon Marcelo, NBI special task force executive officer, sa panayam ng GMA News.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Commonwealth Act No. 616 or An Act to Punish Espionage and Other Offenses Against the National Security na may kaugnayan sa Cybercrime Prevention Act.
Posible ring maharap ang mga ito sa mas mabigat na parusa sa mga makikitang ebidensya.
“Naidentify ho natin itong location na to na dito ho siya nakatira so lumalabas ho marami hong gamit dito na posibleng gamit din ho sa pagkuha ng mga information. Yung information na nakukuha ng equipment so nililipat nya rito kaya nung bumalik yan galing from field, inintercept natin,” ani Marcelo.
Iniimbestigahan na ng NBI kung may kaugnayan ang mga suspek sa limang unang naarestong Chinese national na nag-eepisya naman sa mga barko ng Pilipinas na nagsasagawa ng resupply mission sa Ayungin Shoal. RNT/JGC