ZAMBOANGA CITY — Dinala sa kustodiya ng pulisya ang isang 12-anyos na lalaki matapos umanong magdala ng baril sa loob ng Geras Integrated School sa Barangay Sumagdang, Isabela City, Basilan, nitong Miyerkoles, Hulyo 29.
Ang baril ay pinaniniwalaang ninakaw mula sa isang car wash sa Basilan.
Agad na kumilos ang mga administrador at guro ng paaralan at tumawag sa Isabela City police upang hindi lumala ang insidente.
Ayon sa pulisya, pinagbantaan naman ng 15-anyos na kapatid ng bata ang punong-guro at mga guro dahil sa pagsumbong sa pangyayari.
Hindi isinapubliko ang pagkakakilanlan ng magkapatid dahil kapwa sila mga batang nasasangkot sa paglabag sa batas.
Nakikipag-ugnayan na ang mga awtoridad sa mga magulang ng bata at sa Department of Social Welfare and Development para sa wastong paghawak sa insidente.
Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya kung paano napunta sa bata ang baril. Mary Anne Sapico