Home NATIONWIDE Bebot timbog sa P3.7M cryptocurrency scam sa Pasay

Bebot timbog sa P3.7M cryptocurrency scam sa Pasay

1
0

PASAY – Arestado sa pamamagitan ng citizen’s arrest ang isang 40-taong-gulang na babae bunsod sa umano’y pagkakasangkot nito sa kasong estafa na tumangay ng halagang ₱3.7 milyon sa isang cryptocurrency scam Martes ng gabi sa Pasay City.

Kinilala ni Pasay City police chief P/Col. Joselito De Sesto ang nadakip na suspek na si alyas Glenn Yzabel, residente ng Makati City.

Base sa report ni De Sesto na natanggap ng Southern Police District (SPD), nag-ugat ang kaso sa isang transaksyon noong Hulyo 22, 2026, sa kahabaan ng Roxas Boulevard, kung saan naglipat ang biktima sa suspek ng 60,000 USDT (Tether) na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱3,700,000.00 sa pamamagitan ng isang digital wallet address na ibinigay ng suspek.

Agad matapos ang paglilipat, iginiit ng suspek na hindi pa niya natatanggap ang pondo at sinabi pa umano nito na peke ang cryptocurrency.

Sinabi ni De Sesto na batay sa pagsasagawa ng beripikasyon sa mga rekord ng peer-to-peer application, kumpirmasyon mula sa customer support ng wallet, at blockchain transaction tracking, napatunayang matagumpay na natanggap ng suspek ang mga asset at kalaunan ay inilipat ang mga ito sa ibang wallet.

Nitong nakaraang Martes ng gabi ay muling nakipagkita ang suspek sa complainant at sinubukang humingi pa ito ng karagdagang ₱200,000 at iginiit umano nito na kailangan ang naturang halaga bilang wallet top-up upang mailabas ang orihinal na pondo.

Dahil napagtanto ng complainant na nagpapatuloy ang umano’y panloloko, sa kanilang pagkikita ay kanyang isinagawa ang citizen’s arrest kung saan kinalaunan ay dinala nito ang suspek sa Sub-Station 1 (CCP Complex) dakong alas-11:35 ng gabi para sa pormal na pagsuko nito sa mga awtoridad.

Matapos ang turnover, ipinaalam ng mga pulis na tumulong sa pag-aresto sa suspek ang kanyang mga karapatang konstitusyonal alinsunod sa Miranda Doctrine, gamit ang wikang alam at nauunawaan niya.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Investigation and Detective Management Section (IDMS) ang suspek para sumailalim sa masusing imbestigasyon at paghahanda ng inquest proceedings kaugnay ng kasong estafa (swindling) sa ilalim ng Article 315 ng Revised Penal Code sa Pasay City Prosecutor’s Office.

Pinayuhan naman ni SPD director ni P/Brig. Gen. Glenn Oliver Cinco ang publiko na maging mapagmatyag sa pagsasagawa ng malalaking transaksyon gamit ang digital assets at muling iginiit na mahigpit nilang ipatutupad ang batas laban sa pandaraya sa pananalapi. (James I. Catapusan, Kathleen Calixtro, Eugie Alcoba, Geneva Ravina, Aerith Buyo, Gabrielle Ann C. Venus, Orianna Santero & Johndave Idaosos)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here