BACOLOD CITY – Kusang sumuko sa pulisya nitong Lunes ang isang 12-anyos na Grade 7 student, wala pang isang oras matapos umanong saksakin ang kapwa estudyante sa labas ng Sum-ag National High School sa Barangay Sum-ag.
Ayon sa Police Regional Office–Negros Island Region (PRO-NIR), nagtamo ng mga minor stab wounds sa kaliwang braso at kaliwang tagiliran ang 14-anyos na Grade 8 student na biktima.
Batay sa imbestigasyon, nagkaroon ng kaguluhan sa labas ng paaralan bandang alas-4:18 ng hapon. Nang humupa ang komosyon, natagpuan ng mga bystander ang sugatang estudyante.
Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Barangay Sum-ag Rescue Unit, nagbigay ng paunang lunas, at isinugod ang biktima sa malapit na ospital.
Matapos ang mabilis na imbestigasyon, kusang sumuko ang suspek, na kinilalang isang child in conflict with the law, sa Police Station 9 bandang alas-5 ng hapon, ayon sa PRO-NIR. Mary Anne Sapico