MANILA, Philippines – Aalisin ng Bank of the Philippine Islands (BPI) ang transfer fees para sa interbank transactions gamit ang InstaPay at PESONet simula Hulyo 1.
Saklaw ng fee waiver ang fund transfers na isinasagawa sa pamamagitan ng BPI app, BPI Online, VYBE, BanKo, at BizKo.
Ayon sa BPI, bahagi ito ng layunin nitong gawing mas inklusibo ang banking services at inaasahang makikinabang dito ang 9.5 milyong app users.
“We expect this to drive more frequent use of digital transfers as customers no longer have to factor in per-transaction costs. It simplifies everyday payments,” ani BPI president and chief executive officer TG Limcaoco.
Kailangan lamang i-update ng mga user ang kanilang apps sa pinakabagong bersyon upang magamit ang libreng fund transfers.
Kasunod ang hakbang ng direktiba ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na bawasan ng mga bangko ang interbank electronic payment fees.
Sa pinakahuling circular ng BSP, sinabi nitong ang bayarin sa person-to-person electronic payments sa pagitan ng mga bangko, e-wallet operators, at iba pang payment service providers ay hindi dapat malayo sa sinisingil para sa mga transaksyon sa loob ng parehong institusyon. Inatasan din ng BSP ang mga financial institution na magsagawa ng pagsusuri sa gastos ng kanilang electronic payment services.
Malugod namang tinanggap ni Finance Secretary Frederick Go ang desisyon ng BPI.
“It is heartwarming to see one of the country’s major banks supporting our shared goal of building a more inclusive digital economy where every Filipino can benefit from greater access to financial services,” ani Go. Dave Baluyot