MANILA, Philippines – Ligtas ang 12 Pilipinong seafarers na sakay ng barkong inatake sa karagatan malapit sa Iraq, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW) nitong Martes.
Sa isang pahayag, sinabi ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na tiniyak din ng mga shipowner na mahigit 7,000 Pilipinong seafarers na nasa mga barkong malapit sa Strait of Hormuz ay ligtas.
Muling pinaalalahanan ng DMW ang mga seafarer na maaari silang tumangging sumakay sa mga barkong daraan sa mga delikadong lugar tulad ng Strait of Hormuz, Persian Gulf, at Gulf of Oman, na idineklara na ng ahensya bilang “war risk operations areas” sa gitna ng tumitinding tensyon sa Middle East.
Ang mga seafarer na tatangging bumiyahe sa mga nasabing lugar ay makatatanggap ng dalawang buwang sahod at libreng pamasahe pauwi ng Pilipinas. Dave Baluyot